Ipinagdiwang sa Claret School of Quezon City ang ika-39 ng EDSA People Power ngayong ika-24 ng Pebrero, 2025. Pinangunahan ng Araling Panlipunan Area at Humanities and Social Sciences Cluster ang pagsasagawa ng mga gawain. Bahagi ng pagdiriwang ang pagsasagawa ng mga lektyur na pinangunahan nila Prop. Jonathan Balsamo sa kanyang paksang “Saysay ng EDSA” para sa mga mag-aaral ng ng ika-5 hanggang ika-8 at ni Dr. Mary Jane Rodriquez-Tatel naman na may paksang “Kababaihan at Kapangyarihang Bayan sa EDSA 1” sa mga mag-aaral naman sa ika-9 hangang ika-12.

 

 

Tinalakay ni Prop. Jonathan Balsamo ang “Saysay ng Edsa” kung saan inilahad niya ang mga mahahalagang pangyayari na nagbunsod sa naganap na mapayapang pagkakaisa ng mga tao sa EDSA na naging dahilan ng pagpapatalsik sa dating Pang. Ferdinand Marcos. Sa ginawang lektyur ay binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng patuloy na pagmamahal at pagmamalasakit sa bayan, pagpapairal ng kung ano ang mabuti para sa lahat ng mamamayan at hindi ang kapakinabangan ng iilang mga tao lamang. Sa huli, iniwang niyang hamon sa lahat ng mamamayan ang pagsingil sa gobyerno at pagdemand sa mga halal na pinuno sa kanilang katapatan at pagtupad sa tungkuling sinumpaan. Idinagdag din nia na ang EDSA ay paalala sa atin na kung ang mga halal na pinuno ay mananatiling huwad sa pagtupad ng tungkulin, tayong mga mamamayan ay posibleng kumilos upang sila ay patalsikin gaya nga ng nangyari sa EDSA noong 1986. Samantalang binigyang-diin naman ni Dr. Mary Jane Rodriquez-Tatel ang kahalagahan ng mga kababaihan sa naganap na EDSA 1 at ang pagkilala sa Inang Birhen. Ayon kay Dr. Tatel ang mga babae gaya ng Inang Birhen ay mapagmalasakit at malugod sa kanyang mga anak. Na ang mga babae sa ating kasaysayan kahit noon pa man ay aktibong nakikilahok sa usapin ng bayan kaya naman hindi na bago na sa nanganap na EDSA 1 ay napakaraming babae ang nanguna at nakilahok. Dahil usapin ito ng malasakit, marapat lamang na hindi lamang ang mga kababaihan ang kakitaan bagkus maging ang mga kalalakihan. Mahalaga ang pagkakaroon ng malasakit at pagmamahal sa bayan at pagkilos kung kinakailangan.

 

 

Pagkatapos ng pagbibigay ng lektyur ay naatasan ang mga mag-aaral sa ika-5 hanggang ika-10 na lumikha ng poster na sumasalalim sa aral na napulot nila sa kanilang ginawang pakikinig at pakikibahagi sa mga nasabing lektyur. Samantalang ang mga mag-aaral sa ika-11 at ika-12 ay naatasang gumawa ng karatula na sasaklaw sa mga usaping kinakaharap ng bansa sa kasalukuyan. Magkakaroon ng pag-display sa mga likha ng mga mag-aaral simula Pebrero 26-28, 2025.

 

 

Patuloy po nating buhayin ang ating mga kamalayan sa mga mahahalagang pangyayari sa ating kasaysayan. Ika nga Never Forget, Never Again.