Agosto 2019

Marami tayong mga pinagdaraanan na hinagpis ng buhay kasama na ang ating pakikibaka sa karapatan at dignidad ng ating pagkatao at moralidad na unti-unti nang nababalot ng kapangyarihan ng kasamaan. Minsan natatanong natin ang ating sarili saan na nga ba tayo patungo sa gitna ng tahimik na pagdurusa sa ngalan ng ating pananampalataya.

Kung meron man tayong naiiwang lakas at tapang gaya ng mga Claretianong Martir ng Barbastro, nasaan na? Kung meron man tayong patutunguhan gaya ng pag-akyat ng ating Ina sa langit, ano na?

Maaring naiisip nating wala na tayong lakas at tapang, wala na tayong direksyon sa buhay at kamalayan. Maaring naaagnas na ang ating pagkatao sa mapanlinlang na kabutihan at mapanirang kapangyarihan. Ilan pa ba ang dapat mamatay? Ilan pa ba ang dapat na magdusa dahil hindi sila sumasang-ayon sa nakararami at mas nangingibabaw ang sigaw ng popularidad?

Sa tulong ng Mahal na Ina, akayin nawa tayo sa daan ng pag-asa upang masilayan ang liwanag sa gitna ng dilim at lumakad sa eskinita patungo sa buhay na puno ng biyaya ng Panginoon.

Wala man tayong lakas o tapang o direksyon…
pero meron pa sana tayong pag-asa.