from the FB Account of Mr. Arman Ferrer(photo from the Facebook Account of Mr. Arman Ferrer)

Noong nakaraang Agosto 18,2019 ang mga mag-aaral ng ikalabindalawang baitang ay nanood ng dulang Mabining Mandirigma, isang Steampunk Musical Play na hango sa buhay ni Apolinario Mabini . Ang nasabing dula ay itinanghal sa Little Theater ng Cultural Center of the Philippines o mas kilala bilang CCP.

Tila dinala sa nakaraan ang buong teatro nang magsimulang umikot ang mga gulong at enggranaheng entablado. Ipinakita ang mga makasaysayang pangyayari sa Pilipinas sa isang malaking orasan kagaya ng pagkamatay ni Rizal at ang pagbitay sa mga paring GomBurZa. Matapos nito, nagmistulang pintong bumukas ang malaking orasan at lumabas ang bida ng dula, si Apolinario Mabini. Hindi tulad ng mga karaniwang dula at palabas, binigyan ng kakaibang interpretasyon ang makasaysayang buhay ni Mabini sa naturang pagtatanghal. Maliban sa paggamit ng Steampunk bilang isang pangunahing artistikong tema, binigyang-buhay din ng isang babaeng aktres ang katauhan ni Mabini, gayundin ang iba pang mga tauhan sa dula, ang mga lalaking karakter ay ginampanan ng mg babae at ang mga babae, ginampanan ng mga lalaki.

Mahusay na naipakita ng Mabining Mandirigma ang mga pinagdaanang hirap ni Mabini. Mula pagkabata hanggang sa kanyang pakikipaglaban noong panahon ng digmaan at kung paano niya nalampasan ang kanyang mga kinatatakutan at multo ng kanyang nakaraan na patuloy na bumabagabag sa kanyang isipan. Ipinakita rin ang taglay na katapangan at paano niya napanindigan ang kanyang mga adhikain sa kabila ng mga pangungutyang kanyang natanggap dahil sa kanyang kapansanan. Makapangyarihan ang pagbitaw ng bawat linya at dayalogo. Sinabayan ito ng pag-awit at hinaluan ng modernong istilo gaya ng rap na hitik na hitik sa makabuluhang mensahe.

Sa pamamagitan ng dula ay nabuhay ang diwa sa puso ng mga manonood sa kabayanihang ipinamalas ni Mabini. Ang kanyang pakikipaglaban para sa kalayaan ng bansang Pilipinas ay patunay na hindi kailanman hadlang ang kapansanan sa pagkamit ng iyong hinahangad.

Mabining Mandirigma, isang kontemporaryong paglalahad ng makasaysayang kuwento para sa makabagong kabataang Pilipino.

 

 

 

Claret School of Quezon City | Mahinhin St., UP Village, Diliman, Quezon City | 921-7555 | 921-7554 | 921-6472 | 921-6471 | 921-6617 | 921-7316 | 921-7399 | Registrar's Local: 264, 237, 210, 221