Fr. Mauricio T. Ulep, CMF, G. Emilio Jacinto at Gng. Joselyn Nullar
Kinilala ang Claret School of Quezon City sa idinaos na Parangal at Pasasalamat ng Philippine Art Educators Association Inc. noong Disyembre 1, 2018, sa GSIS Museo ng Sining, Lungsod ng Pasay dahil sa mga naiambag nito sa pagtataguyod ng sining at kultura sa pamamagitan ng pakikiisa sa adhikain ng samahan.
Ang Parangal at Pasasalamat ay bahagi ng pagdiriwang ng limampung taong pagkakatatag ng PAEA sa mga natatanging indibidwal, guro, paaralan at institusyon na naging katuwang nito sa pagpapadaloy ng sining at kultura.
Nagkamit ng apat na parangal- ang Gawad Lagablab, Gawad Gandingan, Gawad Hagabi at Gawad Liwanag ang paaralan.
Ang Gawad Lagablab at Gawad Gandingan ay ipinagkaloob sa Paaralang Claret bilang natatanging paaralan na nagtataguyod ng Sining Edukasyon at nagpapahalaga sa katutubong kulturang Pilipino.
Si G. Emilio “Apoy” Jacinto, guro ng Sining sa mababang paaralan, ay pinagkalooban din ng Gawad Liwanag bilang natatanging guro sa larangan ng Sining Edukasyon at Gawad Hagabi dahi sa pagsisilbi sa samahang PAEA bilang aktibong miyembro ng pamunuan ng samahan upang maipagpatuloy ang mga gawain ng PAEA para sa kabataang Pilipino.
Ang mga pagkilalang ito ay inaasahang magsilbing inspirasyon para sa bawat Claretiano upang ipagpatuloy ang pagpapahalaga sa sining at kultura, sa edukasyon, at sa buhay at misyon ng ating institusyon.